Sosyalismo:Ano ka nga ba talaga?*

ni Ben-hur Bobis

Patikim: Sosyalismo at Kapitalismo

Ang sistemang kapitalismo at sosyalismo ay magkakambal na modernong proyekto.

Ang sosyalismo ay isang modernong proyekto. Ang konseptong ito ay nabuo na halos kasabay ng pag-angat ng burges na lipunan na may saligang paniniwala sa ideya ng liberty, equality at fraternity. Sa burges na lipunan nagkaroon ng malayang pagkakataon ang kapital upang lumago at lumaki. Sa kabilang banda, ang sosyalismo ay naging aspirasyon na siyang puputol sa mga kalabisan at pagsasamantala ng sistemang kapitalismo.

Sa madalit salita, ang sistemang kapitalismo at sosyalismo ay magkakambal na modernong proyekto. Sabi nga ng isang batikang sosyolohista na si Peter Burger, ang kapitalismo ay may parteng sosyalista at ang sosyalismo ay may parteng kapitalista.

Ang obserbasyong ito ay mapapatunayan sa karakter mismo ng kapitalismo na mayroong tinatawag na public domain, at dito pumapasok ang papel na ginagampanan ng gobyerno. Sa public domain naisasapraktika ang mga polisiya ng estado na kung saan ang mga polisiyang ito ay maihahalintulad (sa hilaw man o hinog na anyo) sa praktika ng sosyalismo.

Ang sosyalimo naman (batay sa mga naging karanasan ng mga bansang dumaan at nakadanas ng sistemang ito) ay hinarap ang problema ng tuloy-tuloy na pag-unlad na hindi gumagamit ng insentibong pang indibidwal na siyang gawi sa sistemang kapitalismo. Hindi napantayan ng mga sosyalistang bansa ang karanasan ng tuloy-tuloy na pag-unlad sa larangan ng produksyon ng mga abanteng kapitalistang bansa.

Sa mga bansang kapitalista, naaalala ang sosyalismo kapag ang mga ito ay nangangailangan ng kaayusan at kontrol kapag nakakaranas ito ng isang matinding krisis. Halimbawa nito ang welfare state na naging malaganap noong panahon ng krisis at matinding tunggalian laban sa mga sosyalistang bansa ng mga taong 1960s at 70s. Masasabi natin na ito ay isang sitwasyon na kung saan naisagad ang hilaw na porma ng sosyalismo sa loob mismo ng sistemang kapitalista.

Sa dating USSR naman, inulunsad ni Mikhail Gorbachev ang glasnost at peretroika o pagbubukas at pagrereistruktura ng sistemang sosyalismo. Layunin ng programang ito ang unti-unting paglahok ng USSR sa pandaigdigang pamilihan at ang paghabol sa antas ng produksyon ng mga abanteng kapitalistang bansa.

Nang magbagsakan ang mga sosyalistang bansa noong dekada ‘90, ang mga kapitalista sa Amerika at Kanlurang Europa ay muling nanawagan ng panunumbalik ng malayang kompetisyon at pagbabawas ng kontrol ng gobyerno sa malalaking negosyo. Ang prosesong ito ang tinatawag natin ngayong deregulation na naging tuntungan ng globalisasyon.

Klasikal na Konsepto sa Pagtatayo ng Sosyalismo

Hindi basta-basta ang pagtatayo ng Sosyalismo. Ito ay may hinininging maunlad na kundisyong materyal…

Noong mga huling dekada ng ika-19 na siglo (o sa panahon ni Karl Marx), ang sosyalismo ay isang saray lamang ng pakikibaka ng pandaigdigang kilusan ng komunismo. Kinalaunan, ang konsepto ng scientific socialism na pinaunlad ni Friedrich Engels ay naging reference ng pormal na programa ng mga komunistang partido tulad ng Russian Social Democratic Labor Party (RSDLP) ng Rusya, lalo na ang radical wing nito na tinawag na Bolsheviks na pinamunuan ni Vladimir Lenin.

Sa teorya ng Marxismo, ang sosyalismo ay makasaysayang produkto ng tunggalian ng uring proletaryo at ng naghaharing burgesya. Ang tunggaliang ito ay isang diyalektikong paggalaw ng kasaysayan patungo sa mas maunlad na antas. Ang “kaunlarang” ito ay tumutukoy sa pangkalahatang pag-unlad ng sangkatauhan at ito ay tumutukoy mismo sa pangkabuuang pag-unlad ng talento at kaisipan o pilosopiya ng indibidwal.

Samakatuwid, ang papel ng sosyalismo sa kasaysayan ng sangkatauhan ay ang pagsasakatuparan ng isang maunlad at masaganang kundisyon ng lipunan. Ang kundisyong ito ang magwawaksi, halimbawa, sa kompetisyon at kasakiman. Sa teorya ni Marx, “abundance will render competition and selfishness superfluous.”

Kung gayon, ang pagtatayo ng sosyalismo ay hindi basta-basta isinasagawa. Ito ay may hinihinging maunlad na kundisyong materyal upang ito ay magsilbing productive capital ng lipunang sosyalismo.

Kung ang klasikal na konsepto ng sosyalismo ay ilalapat mo sa pangkasalukuyang kalagayan, ito ay dapat magmula sa mga bansa sa North America at Europa. Sabi nga ni Marx, “ipinapakita lamang ng mga abanteng industriyalisadong bansa sa mga atrasadong bansa at imahe ng kanilang hinaharap.”

Kahit hindi ayon ang kondisyon, pinilit ang pagtatayo ng Sosyalismo sa ilang mga bansa. Sa Rusya, kinailangan ang katakot-takot na sakripisyo at pagbuwis ng milyon-milyong buhay.

Ang Aktuwal na Karanasan

Ang sosyalismo ay unang naitayo sa bansang Rusya. Ang problema dito, ang Rusya noong 1917 ay hindi pa maituturing na kapantay ng mga industriyalisadong bansa sa Europa at Amerika. Bagaman sinasabi ng mga Leninista na may sapat na bilang ng uring proletaryo at sapat na industriya sa Rusya noong panahong ito, hindi pa rin nito matutugunan ang problema ng maayos na pagtatayo ng sosyalismo sa bansang ito.

Dahil dito, kinailangan ng Rusya na maglaan ng katakut-takot na sakripisyo na humantong sa pagbubuwis ng milyon-milyong buhay, maipilit lamang ang pagtatayo ng sosyalismo sa isang bansa. Hindi rin tinantanan ng panggegera ng mga bansang imperyalista ang Rusya matapos maipanalo ng mga Bolsheviks ang kanilang rebolusyon.

Ang mga kondisyong ito ang nag-udyok sa mga Bolsheviks, sa desisyon na rin ni Lenin, na kanselahin ang freedom of press sa Rusya sa ilalim ng war communism (1920-1923). Sa panahong ding ito, sinupil ng Red Army ang mga kasapi ng White Army na nanatiling tapat pa rin sa Tsar at sa sistema ng monarkiya, gayundin ang mga peti-burges tulad ang mga kulaks (mayayamang magsasaka).

Ang dalawang magkasunod na alon ng industriyalisasyon sa ilalim ng pamumuno ni Joseph Stalin ay nagpalakas sa uring manggagawa,mga kapalit ng pagdurog sa burges o peti-burges na elemento ng lipunan, lalo na sa kanayunan. Sa mga programang ito, isinagawa ang forced collectivization ng mga uring magsasaka. Subalit ang matagumpay na industriyalisasyon na ito ng USSR ang siyang ring nagpausbong sa isang bagong pandaigdigang sitwasyon na nagpalakas sa kilusang sosyalismo.

Matapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sunod sunod ang pagkapanalo ng mga komunistang partido sa mga bansa sa Asya, katulad ng China, North Korea at Vietnam. Sa Eastern Europe naman, nanalo ang sosyalistang rebolusyon sa Yugoslavia samantalang ang mga karatig nitong bansa naman tulad ng Poland at Hungary, puwersahan silang sinakop ng USSR at nagtayo ng mga sosyalistang estado.

Ang Germany naman ay pinaghati-hatian ng USSR at ng mga bansang imperyalista. Dito naianak ang Silangan at Kanlurang bahagi nito upang siguraduhin ang pagsupil sa kilusang Nazi ni Hitler. Subalit ang pagkakahating ito ay nagresulta sa ‘di mapigil na pagtakas ng mga Aleman mula sa East Germany (na sosyalista) patungong West Germany (na kapitalista). Dahil dito, itinayo ang makasaysayang Berlin Wall noong dekada ‘60.

Subalit noong 1978, pinasimulan ng Bansang Tsina ang programa ng liberalisasyon o pagluluwag ng ekonomiya sa loob mismo ng sistemang sosyalista. Dahil dito, dumami at umunlad ang uring peti-burges sa Tsina na naging ugat ng krisis pampulitika na pumutok noong June 1988, nang maglunsad ng kilos protesta ang mga estudyante at ilang bahagi ng mga peti-burges sa Plaza ng Tiananmen. Marahas itong sinupil ng gubyernong Tsino at nagresulta sa pagkamatay at pagkawala ng ilang libong indibidwal. Ito ang mga dahilan kung bakit hindi nadamay ang komunistang Tsina sa domino effect ng pagbagsak ng mga sosyalistang bansa noong 1990s.

Nang bumaksak ang gubyernong sosyalista sa Yugoslavia, nabitak ang bansang ito sa mga magkakaaway na grupong etniko at nagbunsod ng sa isang civil war. Ito rin halos ang naging kinahinatnan ng iba pang mga dating bansang sosyalista sa Silangang Europa. Sa Alemanya naman, binuwag ang Berlin Wall noong 1988, at ang pangyayaring ito ang naging hudyat ng muling pag-iisa ng Germany at ng pag alis ng mga pwersa ng USSR sa nasabing bansa.

Bagaman hindi nagsibagsakan ang mga gubyernong sosyalista sa Tsina at Vietnam, hindi rin naman tayo sigurado kung magtutuloy-tuloy nga ang sosyalismo sa mga bansang ito. Ang dahilan nito ay sapagkat ang sosyalismo ay nangangahulugan ng tuloy-tuloy na rebolusyon na siyang magwawakas sa kahirapan at pagsasamantala. Hindi ganito ang programang ipinapatupad ngayon sa Tsina at Vietnam, kundi mga pulitikal na solusyon na naglalayon ng survival sa harap ng globalisasyon.

Ang pinakamalaking problema marahil ng sosyalismo ay ang pagsulpot ng burukrasya.

Ang problema naman ng sosyalismo sa Cuba ay mananatiling nakabitin hangga’t nananatili ang economic embargo ng mga bansang kapitalista dito, lalo na ang Estados Unidos. Ito ang dahilan kung bakit ay hindi nagkaroon ng pagkakataon na makapaglunsad ng sapat na industriyalisasyon ang bansang Cuba.

Ang Burukrasya sa mga Bansang Sosyalista

Ang pinakamalaking problema marahil ng sosyalismo ay ang pagsulpot ng burukrasya. Ang mga komunistang partido na namuno ng mga sosyalistang rebolusyon ay natural na pumalit sa burges na burukrasya. Subalit ang ganitong pangyayari ay nagresulta sa kawalan ng isang sistema o mekanismo na magtitiyak ng demokrasya. Dahil dito, one-party rule ang naging kalakaran sa mga bansang sosyalista, na nagbigay ng kundisyon para sa mga taong nasa loob ng burukrasya na maging espesyal at pribilehadong saray ng lipunan.

Naging natural din ang pagsulpot ng sosyalistang burukrasya sapagkat hiningi ito ng pangangailangan. Ito ay ang pangangailangan ng tibay at laksas para sa ipagtanggol ang mga bansang sosyalista mula sa counter-revolution mula sa loob mismo ng kanilang bansa, at mula sa pananalakay ng kanilang mga kaaway na imperyalista.

At dahil ito ang dahilan ng kanilang pag-usbong, ito rin ang naging dahilan ng kanilang ikinabubuhay—at kalaunan ay siya ring naging dahilan ng kanilang pagkamatay. Sa USSR halimbawa, itunuon nila ang kanilang teknolohiya at economiya sa produksyon ng armas pandigma at kagamitan at pagpapalaki ng hukbo upang ibalanse nito ang pandaigdigang pwersa sa pagitan ng sosyalismo at kapitalismo. Ito ay ang klasikong arms race noong panahon ng Cold War. Sa madaling salita, hindi napaunlad ng USSR ang industriya na lilikha ng mga basic commodities at iba pang mga kagyat na pangangailangan ng sambayanan nito.

Ang paghawak sa kapangyarihan ay mananatiling nakabatay sa dahas kung walang sapat na kultural na paghahanda bago pa man ito maagaw.

Ang Hinaharap ng Sosyalismo

Dahil wala namang malinaw na kilusang sosyalismo na magpapanalo ng mga sosyalistang laban sa mga abanteng bansa, walang sapat na dahilan at kundisyon upang makapagtayo ng isang sosyalistang gobyerno sa mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas. Masuwerte lamang ang Valenzuela sapagkat mayroon itong oil industry na puwede nitong ipang-leverage sa mga bansang kapitalista.

Sa halip, ang tungkulin ngayon ng mga sosyalistang kilusan sa mga hindi abanteng bansa ay ang magpanalo ng mga demokratikong laban katulad ng electoral reform at mga repormang pang-ekonomiya katulad ng repormang agraryo. Kailangan respetuhin at panatilihin ng kilusang sosyalista ang demokrasya kahit may kakayahan itong durugin ang iba pang mga pwersa na kalahok sa prosesong pampulitika.

Ito ang pinakamahirap na tungkulin ng isang sosyalista: ang pagpapatagos ng sosyalistang kultura sa mga mamamayan sa pamamagitan ng aktuwal na karanasan. Ang paghawak sa kapangyarihan ay mananatiling nakabatay sa dahas kung walang sapat na kultural na paghahanda bago pa man ito maagaw.

——————–

* unang nailathala sa “Dyaryo Bandido” Ikalawang Isyu. Hulyo, 2008

About these ads

8 thoughts on “Sosyalismo:Ano ka nga ba talaga?*

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s