Tungo sa Pagpapalakas ng Gawaing Pampartido*


Ni Francis Isaac

(*Ang papel na ito na inihanda para sa Caucus ng Padayon-NCR na ginanap sa Ikatlong Palapag ng Barangay Hall, Barangay Santolan, Lungsod ng Pasig, noong ika-22 ng Disyembre 2007. Unang Nailathala sa “Dyaryo Bandido” Ikalawang Isyu. Hulyo, 2008.)

Mahalaga at napapanahon ang layunin ng pagtitipong ito—ang mabigyan ng pagkakataon ang mga kasama’t kaibigan sa Padayon-NCR na sama-samang pagpasyahan ang ating magiging pampulitikang tunguhin sa kagyat na hinaharap. Sa aking pagkakaunawa, ito ang unang malakihang pagpupulong na ating naisagawa makalipas ang nagdaang halalang pambansa na nagbunsod sa maraming mga kasama na maging abala sa kanya-kanyang gawaing elektoral.

Nabuo ang panukala para sa inisyatibang ito mula sa mga umpukan at caucuses nina Kasamang Vic at German noong sila’y nagkita sa Ika-Sampung Kongreso ng FDC; gayundin ang mga indibidwal na pakikipag-usap sa ilan sa ating mga kasapi sa NCR sa pamumuno ni Kasamang Alain Maratas.

Kung babalikan ang kadahilanan ng ating pagkariyan ito’y walang iba kundi ang lubusang pagkakamit ng demokrasya para sa ating mga mamamayan.

Kung babalikan ang kadahilanan ng ating pagkariyan (o raison d’etre, ayon nga sa mga Pranses), ito’y walang iba kundi ang lubusang pagkakamit ng demokrasya para sa ating mga mamamayan. Taglay ang layuning ito, buong sigla tayong lumahok sa proseso ng demokratisasyon na nagsimulang magkahugis matapos ang matagumpay na Unang Pag-aalsa sa EDSA noong Pebrero 1986.

Sa pamamagitan ng ating magkatambal na mga engagements at radikal na mga pagkilos, pilit nating pinalawak ang hangganan ng demokratikong espasyong ating naipanalo noong EDSA Uno; kasabay ang ating ilang ulit na pagtatangkang kunin ang lahat ng posibleng tagumpay na maaaring makatas mula sa mga umiiral na institusyon ng gubyerno.

Sa kasamaang-palad, kasalukuyang nasa panganib ang demokratikong espasyong mayroon tayo, dahil na rin sa apat (4) na kadahilanan:

  • UNA, ay ang patuloy na pagdududa sa diumano’y nakuhang mandato ni Pangulong Arroyo mula sa nagdaang halalang pampanguluhan noong 2004;
  • IKALAWA, ang napakalaking bilang ng mga kaso ng pampulitikang pagpatay at paglabag sa karapatang pantao na palagiang ipinupukol sa kasalukuyang rehimen;

  • Upang lubusang maisulong ang demokratisasyon,

    kailangan nating palakasin ang ating mga demokratikong institusyon.

    IKATLO, ang unti-unting pagkarupok ng ating mga demokratikong institusyon tulad ng COMELEC at Kongreso na nahihirapang makahulagpos mula sa impluwensiya ng Malacañang; at

  • IKAAPAT, ang pagkakasangkot diumano ng Sandatahang Lakas sa naganap na dayaan sa eleksyon noong 2004 upang tiyakin ang pagkapanalo ni Pangulong Arroyo laban sa kanyang pinakamahigpit na katunggali na si Fernando Poe, Jr.

Tulad ng marami sa inyo, naninindigan ako na hindi sapat ang simpleng pagpapatalsik sa Punong Ehekutibo upang ganap na maisaayos ang ating kaaba-abang kalagayang pampulitika. Bagkus, kakambal din dapat nito ang pagtatayo ng mga institusyon at instrumento ng pagpapasya na katatampukan ng palagiang paglahok ng malawak na mamamayan, at mga mekanismo na may kakayahang umangkin ng pananagutan (accountability) mula sa mga pinuno’t opisyales ng pamahalaan. Kung tutuusin, maari nating malagom sa iisang pangungusap ang lahat ng konseptong ito:

Malinaw na nabigyang diin ito ng teoristang si Antonio Gramsci sa kanyang sulatin na Prison Notebooks kung saan kanyang ipinakita ang kakayahan ng Estado at ang sanlaksang mga institusyon nito na pataasin ang antas ng kultura, painamin ang buhay ng mga mamamayan, at isakapangyarihan yaong mga api at aba sa ilalim ng sistemang kapitalista. Aniya:

If every State tends to create and maintain a certain type of civilisation and citizen (and hence of collective life and of individual relations), and to eliminate certain customs and attitudes and to disseminate others, then the Law will be its instrument for this purpose (together with the school system, and other institutions and activities). It must be developed so that it is suitable for such a purpose—so that it is maximally effective and productive of positive results…In reality, the State must be conceived as an “educator”, in as much as it tends precisely to create a new type or level of civilisation. Because one is acting essentially on economic forces, reorganising and developing the apparatus of economic production, creating a new structure, the conclusion must not be drawn that superstructural factors should be left to themselves, to develop spontaneously, to a haphazard sporadic germination. The State, in this field, too, is an instrument of “rationalisation”, of acceleration and of Taylorisation.[1]

Ito rin halos ang tinuran ng post-Marxistang si Chantal Mouffe nang kanyang banggitin na “ang proyekto ng demokrasyang radikal ay kinatataglayan ng pakikibaka sa balangkas ng demokrasyang liberal upang maitulak ang mga demokratikong prinsipyo sa mas marami pang relasyong panlipunan.”[2] (sariling salin mula sa Ingles)

Bahagi ng pagpapalakas ng mga institusyong ito ay ang pagtatayo ng isang matibay na sistemang pampartido (party system) na katatampukan ng mga debate’t tunggalian batay sa prinsipyo, programa at idelohiya ng mga tumatakbong mga partido. Ayon kay Dr. Thomas Meyer—isang propesor sa agham pampulitika mula sa Pamantasan ng Dortmund sa Alemanya—mahalagang bahagi ng isang lipunang demokratiko ang pagkakaroon ng mga partidong pampulitika sapagkat nakakakatulong ang mga ito na makabuo ng mga konsensus hinggil sa magiging tunguhin ng pamahalaan. Dagdag pa niya:

Bahagi ng pagpalakas ng mga institusyon ang pagtatayo ng isang matibay na sistemang pampartido. Para sa Kilusang Kaliwa, makatulong din ito na mapahina ang elitistang kapangyarihan.

The ideas, the interests and values, the opinions and hopes which originate in civil society are brought together in the parties, fine-tuned, and concentrated into practical programs. In this way, they can be converted into practical parliamentary and government action in the event of election success…A functioning party democracy can therefore productively bring together political competition through the public discussion of political programs of action for the common good and the participation of many interested citizens in the political process. In this way, it combines the democratic political goals of effectiveness and participation.[3]

Para naman sa kilusang Kaliwa, makakatulong din ang sistemang pampartido na mapahina ang elitistang kapangyarihan sa bansa dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:

  • UNA, mabibigyan nito ng higit na pagkakataon ang mga maliliit na partido at matitino subalit hindi maperang mga kandidato na manalo sa eleksyon.
  • IKALAWA, magaganap ang pagpili ng mga kandidato sa mga kongreso o kumbensyon ng mga partido pulitikal, at hindi sa “hapag-kainan” ng mga elitistang pamilya na kadalasang nagaganap ngayon sa Pilipinas.
  • IKATLO, maaaring magsilbi bilang accountability mechanism ang mga partidong kinaaaniban ng mga pulitikong nahalal sa gubyerno sa pamamagitan ng mga ipinapataw na sanksyon at iba pang uri ng kaparusahan sa mga lumalabag sa polisiya ng partido.

Kaakibat din ng pagtatayo ng matibay na sistemang pampartido ang mga sumsunod:

  • ang pagpapalakas ng COMELEC sa pamamagitan ng pagtiyak sa kalayaan nito mula sa anumang impluwensiyang pampulitika—lalo’t higit ang Malacañang;

  • mabisa nating maitatayo ang ganitong sistemang pampartido kung makakatulong tayo sa pagsasaayos ng sarili nating bakuran—ang Akbayan!

    ang agarang pagpapalit ng Konstitusyon upang magkaroon tayo ng isang multi-party parliamentary system na nakabatay sa modelong Aleman[4];

  • ang pagsasabatas ng isang Party Law na magpaparusa sa turncoatism o pambabalimbing at maglalaan ng pondo para sa mga partido batay na rin sa naipanalo nilang mga pusisyon sa pamahalaan; at
  • ang pagtulong sa mga partido sa party-list na maging mga full-scale political parties sa halip na manatili lamang bilang mumunting mga partido ng kanya-kanyang mga sektor.

Para sa akin, mabisa nating maitatayo ang ganitong sistemang pampartido kung makakatulong tayo sa pagsasaayos ng sarili nating bakuran. Sa madaling salita, aking ipinapanukala na sa kagyat na hinaharap, ang ating mga gawain ay dapat nakatuon sa pagpapalakas ng ating kasalukuyang behikulong elektoral—ang Akbayan.

Subalit maaaring itanong: Bakit tayo magpapakupot lamang sa gawaing panghalalan at hindi bibigyan ng pantay na diin ang iba pang gawaing “rebolusyonaryo”?

Bakit tayo magpapakupot lamang sa gawaing panghalalan at hindi bibigyan ng pantay na diin ang iba pang gawaing “rebolusyonaryo”?

Simple lamang ang aking katugunan: Sapagkat ang ating kakapusan sa rekurso at mga limitasyong lohistikal ang siyang nagsasabi na dapat nating piliin nang mabuti ang larangan na kung saan tayo pinaka-epektibo at may pinakamalawak na impluwensiya—at matatagpuan natin ito sa loob mismo ng sarili nating partido. Sa ilalim ng ganitong balangkas, lohikal lamang na ang ating magiging pangunahing tunguhin ay ang pagpapalakas sa internal na demokrasya ng Akbayan at ang pagpapatampok dito bilang modelo ng isang makabago, prinsipyado at anti-trapong partido.[5]

Kung sasang-ayunan ng mga kasama ang aking suhestiyon, dalawang bagay ang dapat natin ngayong bigyan ng pansin upang lalo pang maitanyag ang militanteng karakter ng Akbayan at mailatag ang isang mas makauring direksyon. Una, ay ang pagtatayo ng mga mekanismo na magbibigay-kapangyarihan sa mga tsapter o balangay na mas tuwirang makalahok sa paghalal ng pambansang pamunuan at sa pagpili sa ating mga magiging nominado sa party-list.

Ikalawa, ay ang muling pagbibigay-diin sa maka-Kaliwang katangian ng Akbayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas malaking bilang ng mga unyonista at lider-mambubukid sa mga mahahalagang pusisyon sa loob ng partido. Partikular kong tinutukoy ang National Council (NC), ang Executive Council (EC), at maging mga party-list nominees.

Kung ating babalikan ang kahulugan ng tradisyong Kaliwa, nagsimula ito noong panahon ng Rebolusyong Pranses nang pinili ng mga radikal na partido tulad ng Montagnaires at Jacobins na umupo sa gawing kaliwa ng Pambansang Asembleya. Ang mga partidong ito ang pangunahing tumutol sa pagpapanatili ng monarkiya at nagbigay-tinig sa interes ng mga mahihirap, partikular ng mga artisano ng Paris at mga mambubukid ng Vendee.

hindi dapat masamain ang anumang suportang nakukuha natin mula sa panggitnang uri; sila ang tiyak nating maasahan sa pagpuksa sa kurapsyon at pagsasaayos ng sistemang pagbubuwis sa bansa.

Mahalagang ipaalala sa mga kasama ang orihinal na konseptong ito ng ating pampulitikang pagkakakilanlan sapagkat sa pag-usad ng panahon, mas nakikilala ang Akbayan bilang partido ng radikal na panggitnang uri o radical middle class, na  nasasalamin sa ating mga naging kinatawan sa Kongreso, sa ating mga nakilalang tagapagsalita, at maging sa uring pinagmulan ng marami sa Executive Council.

Aking binibigyang-linaw na hindi dapat masamain ang anumang suportang nakukuha natin mula sa panggitnang uri; sapagkat kung tutuusin, may mahalaga, kung hindi man nangungunang papel silang ginagampanan sa ilan sa mga labang ating binuksan. Sila halimbawa, ang tiyak nating maaasahan sa pagpuksa ng korupsyon at sa pagsasaayos sa sistema ng pagbubuwis sa bansa. Panggitnang uri rin ang kadalasan nating pinagkukunan ng suporta para sa pagpapalakas ng mga LGUs at pangunahing nagsusulong ng mabuting pamamahala o good governance.

May kabutihang hatid ang ganitong kalagayan ng Akbayan, sapagkat nakikilala ito bilang partidong radikal. Subalit sa kabila nito, dapat pa ring isaayos ang pagkilos at aktitud ng ating partido sapagkat mas madalas na naitatampok ang panggitnang uring katangian nito.

kinakailangan nating pamunuan ang isang kilusang reporma sa loob ng Akbayan na siyang magbibigay ng isang mas militanteng direksyon at magpapakilala dito bilang isang partido na nagbibigay-tinig sa interes ng lahat ng mga nagdarahop at aping sektor ng lipunang Pilipino.

Bilang partido ng Kaliwa, hindi dapat sa middle class nagmumula ang kalakhan ng ating mga base. Bagkus, ang dapat nating maging diin ay ang pagsasakapangyarihan sa pinakamahirap na saray ng ating lipunan. At tulad ng mga sinaunang Jacobins, ang ating mga pagsisikap ay dapat nakatuon sa mga mambubukid at manggagawa—nang sa gano’y maihanda sila bilang puwersang magsisimula ng malawakang pagbabago dito sa ating bansa.

Upang matiyak ang lahat nang ito, kinakailangan nating pamunuan ang isang kilusang reporma sa loob ng Akbayan na siyang magbibigay ng isang mas militanteng direksyon at magpapakilala dito bilang isang partido na nagbibigay-tinig sa interes ng lahat ng mga nagdarahop at aping sektor ng lipunang Pilipino.

Napakabigat ang hamong inilalaan sa atin ng kasaysayan; subalit umaasa ako na gaano man ito kabigat, ang hamong ito na iniatang sa Padayon-NCR ay hinding-hindi natin tatalikdan.


[1] Gramsci, Antonio. (1997). Selections from the Prison Notebooks. Quintin Hoare and Geoffrey Nowell Smith (eds.). International Publishers: New York; pp. 246-247.

[2] Mouffe ,Chantal. (1993). “A Radical Left Project?,” in Stuart Silks (ed.). Talking About Tomorrow: A New Radical Politics. Pluto Press in Association with New Times: London, Boulder and Colorado; p. 109.

[3] Meyer, Thomas. (2007). Easy Guide to a Modern Political Party (Second Edition). Friedrich Ebert Stiftung (FES) Philippine Office: Pasig City; pp. 11-12.

[4] Batay sa modelong ito, kalahati ng mga magiging kagawad ng Parliyamento ay ihahalal sa pamamagitan ng district representation at ang natitirang 50% ay ihahalal sa pamamagitan ng party-list.

[5] Sa ganang akin, hindi mapapasubalian ang importansiya ng ganitong gawain sapagkat kung nais nating magsagawa ng mga pagbabago na maaaring hindi lubusang katanggap-tanggap sa lahat (sa dahilang wawasakin nito ang mga nakasanayan nang pakikipag-ugnayang pampulitika), nagiging lubhang mahalaga ang papel ng mga modelo sapagkat ang mga ito ang magpapatunay na ang ating mga panukala ay makatotohanan, lapat sa lupa at kayang mapatupad.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s